Miyerkules, Hulyo 16, 2014

Aralin 1.2(isang uri ng alamat)

Ang Alamat ni Prinsesa Manorah

(Isinalin sa Filipino ni Dr. Romulo N. Peralta)

Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.

Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.

Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao.

Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.

Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa. Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.

Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan. Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin ang dragon.

Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree.

Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.

Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan. Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.

Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran siya nito ng napakalaking halaga.

Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.

Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.

Linggo, Hulyo 13, 2014

MIYERKULES, HULYO 30, 2014

Aralin1.4(Akda)

Kay Estella Zeehandelaar

Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Mula sa Mga Liham ng Isang Prinsesang Javanese Japara,

Mayo 25, 1899

      Ibig na ibig kong makakilala ng isang “babaeng moderno,” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.    Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong Kanluran.Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho’t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang-araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan,ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na henerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan? Tuwirang

sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon namin. Wala akong iniisip gabi’t araw kundi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon namin. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa kong iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumang tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?

Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para hangarin angpagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.

Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala nito ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sumibol hanggang sa lumakas at sumigla.

Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo. Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalaki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaun-aunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, ang pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan dito sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands atnaglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa

kahigpitan ng aming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal ng aming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanging lugar na pagtuturong maipagmamalaki ng siyudad namin na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.

Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taong gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipaguganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang dikilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong bandang huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi

nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.

Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nag-iisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa

lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na

balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.

Sa wakas, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.

Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang namin ang aming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinayagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila ng tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulad namin ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” naging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya ang aming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit

hindi pa ako nasisiyahan. Lagi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makipamista,o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, magaral, hindi para mapailalim sa sino man, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.

Ngunit dapat tayong mag-asawa,dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.

At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang.


Biyernes, Hulyo 11, 2014

AAralin 1.3(Mga Akda)

Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram

Ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay

Di mo na kailangang humakbang pa

Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na

Ng matitigas na batong naraanan mo

Habang nakamasid lamang

Ang mga batang lansangang nakasama mo

Nang maraming taon.

Silang nangakalahad ang mga kamay

Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo

Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo

Bunga ng maraming huwag at bawal dito

Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos

Ang maraming bakit at paano

Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao

At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.

Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.

Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo

Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap

Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan,

at Buhay ng Kinabukasan

ni Pat V. Villafuerte

NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,

isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan

gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo

gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak

kaunti man o marami ang mga paang humahakbang

mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy

ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.

ang bawat paghakbang ay may mararating.

ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.

hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan

paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha

paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,

pangamba at panganib

mula pa sa panahon ng kawalang-malay

hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,

digmaan at kasarinlan

at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon

sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan

kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,

may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo

at tangis ng pamamaalam.

ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:

ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,

binhing nakatanim ang maraming kulturang

nag-uumapaw sa ating diwa

nagbabanyos sa ating damdamin

nag-aakyat sa ating kaluluwa

sinubok ng maraming taon

inalay sa mga bagong sibol ng panahon

anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian

ang kultura’y pinayayabong

nang may halong sigla at tuwa,

nang may kasalong pagsubok at paghamon

kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos

kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon

kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan

kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon

kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:

pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa

na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay

at pinayaman ng makukulay na karanasan

kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan

ito ang regalo ng kultura

regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan

at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan

at mananatiling repleksyon ng kabutihan

kulturang gagalang sa mga bata’t matanda

kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan

kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran

kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw

katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan

diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika

magkakapantay sa kalayaan at karapatan

magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan

habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa

ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi

ng lahing magiting

ng lahing kapuri-puri

ng lahing marangal.

Ang Pagbabalik

ni Jose Corazon de Jesus

Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,

Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;

Isang panyong puti ang ikinakaway,

Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:

Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,

Mamatay ako, siya’y nalulumbay!

Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas

Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”

Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”

Nakangiti akong luha’y nalaglag...

At ako’y umalis, tinunton ang landas,

Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;

Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,

At ang buwan nama’y ibig nang magningning:

Maka orasyon na noong aking datnin,

Ang pinagsadya kong malayang lupain:

Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,

Ang nagsisalubong sa aking pagdating.

Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,

Pinatuloy ako ng magandang loob;

Kumain ng konti, natulog sa lungkot,

Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;

Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,

Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”

Nang kinabukasang magawak ang dilim,

Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;

Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:

Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;

Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,

Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.

At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,

Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;

Bulaklak na damo sa gilid ng landas,

Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;

Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak...

O, marahil ngayon, siya’y magagalak!

At ako’y lumakad, halos lakad takbo,

Sa may dakong ami’y meron pang musiko,

Ang aming tahana’y masayang totoo

At nagkakagulo ang maraming tao...

“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,

“Nalalaman nila na darating ako.”

At ako’y tumuloy... pinto ng mabuksan,

Mata’y napapikit sa aking namasdan;

Apat na kandila ang nangagbabantay;

Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;

Mukha nakangiti at nang aking hagkan;

Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya

ni Jan Henry M. Choa Jr.

                Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya ang Grand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa Almaty, Kazakhstan.

Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pag-awit.

Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia.

Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa Malaysia. Mayroon din siyang sariling production company, Sitti Nurhaliza Production na nasa larangan ng entertainment.

Siya rin ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga tinatamasa.

Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliz ang kaniyang mga kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik. Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya.


Martes, Hulyo 8, 2014

alamat ng suklay nahugis buwan



Ito ay isang uri ng alant na ang kwento ay sa isang pamilya na hindi alam ang maling bagay na nabili ng kanilang ama inutusan kasi ito na ina na bilhin ang suklay na hugis buwan kaya nang nadala nya ito pinagpasahan at inakalng kabet nto ang mga repleksyon ng mga mukha nito at sa huli ay pinagsasaksak ng kanilang lolo ang salaming ito at ang alamt na ito ay ikaw abg bahala ng katapusan nito yun lamg 

              maramaming salamat sa inyong  
                           Pagbasa sa aking blog ;) :) ;)

Sabado, Hulyo 5, 2014

maikling kuwento at alamat

          Ang alamat at maikling kuwento ay may pagkakaiba at pagkakatulad.ang maikling kuwento ay isang maigsing salaysay hinggil sa isang mahalagang pangyayaring kinasasangkutan ng isa o ilang tauhan at may iisang kakintalan o impresyon lamang. Isa itong masining na anyo ng panitikan. samantalang ang alamat naman ay pinagmulan ng mga bagay bagay na nakikita natin sa ating ginagalawan at ang mga tauhan dito ay kadalasang kakaiba o supernatural tulad ng aswang sirena multo at kung anoano pa ngunit nalaman ko ngayon na ang alamat pala ay may pagkakatulad sa maikling kuwento parehas silang maaring basahin sa isang upuan lamang at parehas itong uri ng panitikan .