Biyernes, Hulyo 11, 2014

AAralin 1.3(Mga Akda)

Bahagi ng Tulang Elehiya Para kay Ram

Ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay

Di mo na kailangang humakbang pa

Sapagkat simula’t simula pa’y pinatay ka na

Ng matitigas na batong naraanan mo

Habang nakamasid lamang

Ang mga batang lansangang nakasama mo

Nang maraming taon.

Silang nangakalahad ang mga kamay

Silang may tangang kahon ng kendi’t sigarilyo

Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.

Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo

Bunga ng maraming huwag at bawal dito

Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos

Ang maraming bakit at paano

Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw’y tao

At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.

Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.

Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo

Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap

Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.

KULTURA: Ang Pamana ng Nakaraan, Regalo ng Kasalukuyan,

at Buhay ng Kinabukasan

ni Pat V. Villafuerte

NOON, ang bawat paghakbang ay isang pagtalunton,

isang pagtahak sa matuwid na landas upang marating ang paroroonan

gaano man ito kalapit, gaano man ito kalayo

gaano man ito kakitid, gaano man ito kalawak

kaunti man o marami ang mga paang humahakbang

mabagal man o mabilis, pahintu-hinto man o tuloy-tuloy

ang bawat paghakbang ay may patutunguhan.

ang bawat paghakbang ay may mararating.

ang bawat paghakbang ay may pagsasakatuparan.

hindi na mabilang ang paghakbang na naganap sa ating kasaysayan

paghakbang na pinuhunanan ng pawis, dugo at luha

paghakbang na kinamulatan ng maraming pagsubok,

pangamba at panganib

mula pa sa panahon ng kawalang-malay

hanggang sa panahon ng walang humpay na pananakop,

digmaan at kasarinlan

at hanggang sa kontemporaryong panahon ng makinasyon

sumibol ang kayraming kulturang sinangkutsa sa ating diwa’t kamalayan

kulturang may ritmo ng pag-awit, may kislot ng pagsayaw,

may haplos ng pag-aalay, may lambing ng panunuyo

at tangis ng pamamaalam.

ito ang ating tinalunton, ito ang bunga ng ating paghakbang:

ang kulturang ipinamana sa atin ng nakaraan.

NGAYON, sa panahon ng pagkamulat at maraming pagbabago,

binhing nakatanim ang maraming kulturang

nag-uumapaw sa ating diwa

nagbabanyos sa ating damdamin

nag-aakyat sa ating kaluluwa

sinubok ng maraming taon

inalay sa mga bagong sibol ng panahon

anumang kulay, anumang lahi, anumang edad, anumang kasarian

ang kultura’y pinayayabong

nang may halong sigla at tuwa,

nang may kasalong pagsubok at paghamon

kulturang sinusuyod ng kapuri-puring ugali at marangal na kilos

kulturang inihahain ng pagsamba’t prusisyon

kulturang sinasalamin ang pasko’t pistang-bayan

kulturang pinaaawit ng pasyon at pagsasabuhay ng Poon

kulturang patuloy na sumisibol at ipinapupunla ng tradisyon:

pampamilya, pang-eskuwela, pampolitika, panrehiyon at pambansa

na dinilig ng maraming pagpapaalala, paggabay at patnubay

at pinayaman ng makukulay na karanasan

kulturang inihain at tinanggap, sinunod at isinakatuparan

ito ang regalo ng kultura

regalo ng kasalukuyan.

BUKAS, ang kulturang itinudla ng nakaraan

at inireregalo ng kasalukuyan ay bubuhayin ng kinabukasan

at mananatiling repleksyon ng kabutihan

kulturang gagalang sa mga bata’t matanda

kulturang rerespeto sa mga babae’t may kapasanan

kulturang luluklok ng pagbabayanihan at pagkakapatiran

kasaliw ng mga awiting bayan at katutubong sayaw

katali ng pagsasadula’t pagbabalagtasan

diwang marangal ang ipupunla. kariringgan ng maraming wika

magkakapantay sa kalayaan at karapatan

magsasama-sama, magkakapit-bisig, magtutulung-tulungan

habang patuloy na humahakbang upang galugarin pa

ang kulturang pagyayamanin ng ating lahi

ng lahing magiting

ng lahing kapuri-puri

ng lahing marangal.

Ang Pagbabalik

ni Jose Corazon de Jesus

Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,

Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;

Isang panyong puti ang ikinakaway,

Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:

Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,

Mamatay ako, siya’y nalulumbay!

Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas

Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”

Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”

Nakangiti akong luha’y nalaglag...

At ako’y umalis, tinunton ang landas,

Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;

Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,

At ang buwan nama’y ibig nang magningning:

Maka orasyon na noong aking datnin,

Ang pinagsadya kong malayang lupain:

Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,

Ang nagsisalubong sa aking pagdating.

Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,

Pinatuloy ako ng magandang loob;

Kumain ng konti, natulog sa lungkot,

Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;

Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,

Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”

Nang kinabukasang magawak ang dilim,

Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;

Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:

Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;

Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,

Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.

At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,

Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;

Bulaklak na damo sa gilid ng landas,

Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;

Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak...

O, marahil ngayon, siya’y magagalak!

At ako’y lumakad, halos lakad takbo,

Sa may dakong ami’y meron pang musiko,

Ang aming tahana’y masayang totoo

At nagkakagulo ang maraming tao...

“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,

“Nalalaman nila na darating ako.”

At ako’y tumuloy... pinto ng mabuksan,

Mata’y napapikit sa aking namasdan;

Apat na kandila ang nangagbabantay;

Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;

Mukha nakangiti at nang aking hagkan;

Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”

Sitti Nurhaliza: Ginintuang Tinig at Puso ng Asya

ni Jan Henry M. Choa Jr.

                Isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa Asya si Sitti Nurhaliza mula sa bansang Malaysia. Nagkamit siya ng iba’t ibang parangal sa pag-awit hindi lamang sa kaniyang bansa kundi maging sa pang-internasyunal na patimpalak. Isa na rito ang titulong “Voice of Asia” nang makamit niya ang Grand Prix Champion mula sa Voice of Asia Singing Contest na ginanap sa Almaty, Kazakhstan.

Labing-anim na taong gulang siya nang pumasok sa larangan ng pag-awit.

Dahil sa likas na talento sa pag-awit, narating niya ang rurok ng tagumpay bilang multiple-platinum selling artists sa Malaysia. Sinundan ito ng mga di-mabilang na pagkilala mula sa mga prestihiyosong gawad-parangal tulad ng MTV Asia, Channel V, Anugerah Juara Lagu Malaysia.

Hindi lamang sa pag-awit nakilala si Sitti. Siya rin ay isang manunulat ng awit, record producer, presenter o modelo at mangangalakal. Sa katunayan, siya ay nagmamay-ari ng produktong Ctea, isang tsaa sa Malaysia. Mayroon din siyang sariling production company, Sitti Nurhaliza Production na nasa larangan ng entertainment.

Siya rin ay itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang tao at pinakamayamang artista sa Malaysia.. Sa kabila ng pagiging sikat at mayaman ay hindi nalilimutan ni Sitti Nurhaliza ang magkawanggawa. Nakikibahagi at nakikiisa siya sa maraming gawaing-kawanggawa sa loob at labas ng Malaysia. Ito ay isa sa maganda niyang katangian. Marunong siyang tumulong sa kaniyang kapuwa bilang pagbabalik-biyaya sa kaniyang mga tinatamasa.

Tunay na ipinagmamalaki si Sitti Nurhaliz ang kaniyang mga kababayan bilang Asyano na may sadyang husay sa pagkanta at may natatanging kontribusyon sa larangan ng musika. Ang kaniyang magandang tinig at mabuting kalooban bilang isang babaeng Muslim na mang-aawit ay isa lamang sa mga katangiang nagugustuhan ng kaniyang mga tagatangkilik. Isang idolo na may ginintuang tinig at ginintuang puso ng Asya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento